Bakit Kailangan ng Pilipinas ng “Thank You Day”

Written by Fritz

Topics: Personal

Tingin ko, pareho tayo. Parati ka rin sumasakay ng bus, MRT/LRT, o jeep papunta kahit saan. Magta-taxi lang ako pagpasok ng opisina sa umaga kasi mas mabilis ang byahe pag ganun. Di pa ako pawis-pawis, kung sakali. Sa gabi, pag uwian na, dun na ako nagji-jeep. OK lang pagpawisan, sa bahay na lang naman madalas direcho ko pag may pasok.

Kung pareho tayong ginagawa ‘to halos araw-araw, sa loob ng jeep/FX, makikipa-abot o mag-aabot ka ng bayad mo o ng katabi mo hanggang makarating yun sa driver. Pag ako ang nakikipa-abot, mala-automatic, nagsasabi ako ng “salamat.” Hindi man lang “thank you” yan kundi “salamat.” Di ko na alam kung importante ba ‘to o napapansin pa ba ‘to ng pinakikisuyuan ko, pero sa akin, sobrang malaking bagay ‘to. Sa akin, importante na marinig ito hindi lang ng taong pinasasalamatan ko, kundi ng ibang pasaherong malapit sa akin. Isang beses, o mamaya, subukan mo ‘tong gawin: tignan kung ilang tao ang bibitiw ng “thank you” o “salamat” habang nakikisuyo dahil, malungkot mang isipin, marami ang hindi.

Sa ating mga servers sa restaurant, sales clerks sa mall, bagging help sa grocery, teller sa bangko, katrabahong tumulong, gwardya na nagbubukas sa atin ng pintuan, kaibigang nagpapaalala, taong nagiimbita, pamilyang nangangamusta, at mga kakilalang bumabati, dahil sa dalas, at kung di naman talaga natin gawain, matatapos inteeraction natin sa kanila ng hindi tayo magpapasalamat. Sa dalang, takot ko baka wala na ‘tong saysay kinalaunan. Anlungkot naman nun, kung sakali.

Meron daw dating survey na ginawa ang Reader’s Digest ilang taon na nakalipas na ang ang Pilipinas ay isa sa “least courteous nations in the world.” Hindi ako nagtaka kung bakit. Nasaktan ka ba sa resulta? Lupit, ‘no? Sige, pakunswelo, siguro yung mga bastos at walang modo lang ang naobserbahan ng Reader’s Digest nung panahong yon, at marahil hindi lang nila tayo nakita, pero KAHIT PA! Masakit pero totoo. Nasa paligid mo, kahit saan, ang ebidensya. Maraming Pinoy ang likas talagang hindi magpag-pasalamat.

Teacher, magulang, mga nakatatandang kapatid, umpisahan naman natin ngayon. Isang kataga lang yan sa Filipino at dalawa sa English: “Salamat” o “Thank you.” Sa umpisa, sige, ugaliin lang nating sabihin, balang araw, harinawa, taus-puso na natin tong masasabi sa gusto nating paabutan.

OK rin ‘tong “Thank You Day” eh. Kahit isang araw man lang kada taon, mabigyan ‘to ng halaga.

Related Posts with Thumbnails

2 Comments For This Post I'd Love to Hear Yours!

  1. rin Says:

    I still actually say “thank you” and “salamat” to jeepney drivers, pedicab drivers, security guards, and the like. The weird thing is, when I was still in college, a new friend of mine found it funny that I still say thank you to the “help” when it was their job in the first place. Is it really that weird that we feel grateful? I still say “po” and “opo” even if I am not sure if the person I am talking to is older than me. I think it is common courtesy. I am glad that I am not the only one who feels like this. I always reprimand my nephew when he fails to say “po” or “opo” and “salamat.” Sorry napahaba ung comment, this just really made a lot of sense to me.

  2. Fritz Says:

    Don’t at all feel bad with the longish rep. Thanks for speaking your mind and for living good values. Kaya naman eh, sana marami pang gumawa. :D

Leave a Comment Here's Your Chance to Be Heard!